Lunes, Pebrero 9, 2015

WIKA
Ano ba ang wika?

Ang wika ay isang bahagi ng pakikipagtalastasan. Kalipunan ito ng mga simbolo, tunog, at mga kaugnay na batas upang maipahayag ang nais sabihin ng kaisipan. Tinatayang nasa pagitan ng 6,000 hanggang 7,000 ang mga wika sa daigdig, depende sa kung gaano katiyak ang pangahulugan sa "wika", o kung paano ipinag-iiba ang mga wika at mga diyalekto. Ang siyentipikong pag-aaral ng wika ay tinatawag na linggwistika Nag-ugat ang salitang wika mula sa wikang Malay. Samantalang nagmula naman sa Kastila ang isa pang katawagan sa wika: ang salitang lengguwahe. Tinatawag ding salita ang wika. Katulad ng language - tawag sa wika sa Ingles - nagmula ang salitang lengguwahe o lengwahe sa salitang lingua ng Latin, na nangangahulugang "dila", sapagkat nagagamit ang dila sa paglikha ng maraming kombinasyon ng mga tunog, samakatuwid ang "wika" - sa malawak nitong kahulugan - ay anumang anyo ng pagpaparating ng damdamin o ekspresyon, may tunog man o wala, ngunit mas kadalasang mayroon.

MGA KABATAAN, BIDA SA ARAW NI BALAGTAS 2015


Tinatawagan ang mga kabataan na aktibong makilahok sa Araw ni Balagtas 2015. Ito ay pagdiriwang ng ika-227 anibersaryo ng kaarawan ng bayaning makata na si Francisco “Balagtas” Baltazar ang 2 Abril 2015 na may temang Si Balagtas at ang Kabataan.
Pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mga aktibidad na mangyayari sa pook na malapít sa puso ni Balagtas, ang bayan ng Orion (noon ay Udyong), Bataan. Magkakaroon ng Kampo Balagtas mula 30—31 Marso 2015 para sa mga kabataan mulang Rehiyon III at delegasyon mula sa Indigenous People (IP) sa Orion Elementary School.
Isasagawa sa Kampo Balagtas ang mga pangkulturang pagtatanghal at makabuluhang pagpapakilala sa búhay at pamana ni Balagtas sa pamamagitan ng mga interaktibong panayam at palaro.
Kikilalanin ang mga nagwagi sa Talaang Ginto: Makata ng Taon 2015 at ang tatanggap ng Gawad Dangal ni Balagtas 2015 sa unang araw ng kampo.
Papasinayaan din ang Hardin ni Balagtas sa Barangay Wawa, Orion, Bataan sa 30 Marso 2015. Tampok sa hardin ang rebulto ni Balagtas na likha ng bantog na eskultor na si Julie Lluch.
Ang hardin, na paliligiran ng mga katutubong bulaklak at punongkahoy, ay isang cultural park na itinatayo sa tulong ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, Bayan ng Orion, Lalawigan ng Bataan, at iba pang ahensiya ng pamahalaan.